Wednesday, November 30, 2005

Sa Tagaytay Pa! - Part 2


Pagdating ko sa week- end encounter, marami nga akong nakilalang mga dalaga. Sa simula, sa

kanila nakatuon ang aking atensyon ngunit habang lumalalim ang retiro, hindi ko na sila masyadong

gayanapapansin. Nabighani ako sa mga panayam at gumaan ang aking kalooban na hindi ko alam na mabigat pala. Unti-unting bumalik sa akin ang ibig sabihin ng mga pinagkakaabalahan ko. Bahagya kong tinanong sa sarili kung ano ang dahilan ng aking trabaho, pag-aaral ng masterado at pagkakaroon ng sariling negosyo. Bahagya kong tiningnan ang kabuluhan ng aking buhay at hindi ko maiwasan maramdaman ang kakulangan. Tila mayroon pang higit sa kung ano ang kaunting meron ako na hindi kayang bigyang halaga ng salapi o pinag-aralan. Hindi ko maintindihan. Unti-unti rin bumalik sa akin ang kagustuhang maging pari noong nasa ika-anim na baitang ako. Sa puntong iyon, natawa ako at piniling isipin na gawa-gawa ko lamang ang lahat at maglalaho rin ito sa aking kamalayan gaya ng dati.

"Bakit naandito ka sa labas?" ang nag-aalalang tanong sa akin ni Angelie.

Napatungaga pala ako.

"Wala lang ... hindi ko lang kaya sa loob", ang mahina kong sagot. Yinakap ako ni Angelie at pumasok siyang muli sa bulwagan.

Sa sandaling iyon, nadama ko na marahil may tumatawag sa akin. Naisip kong baka may nais humingi sa buhay ko na hindi naman sa akin kung tutuusin. Huminga ako nang malalim at nadama kung paano napuno ng magkahalong mainit at malamig na hangin ang aking dibdib.

Dahil wala pa rin akong sagot sa mga bagay na hindi ko pa alam kung paano itanong, nagpasya akong tumayo upang bumalik sa bulwagan. Pagpasok ko, nadatnan kong nakataas ang mga kamay
ng mga nagdarasal, nakapikit at inaawit ang parehong kanta.

Dahan-dahan kong itinaas ang aking kanang kamay, pumikit at sumama sa kantahan: "Lord I offer my life to you, everything I've been through, use it for your glory."

-Shio Cruz, SJ

Wednesday, November 23, 2005

Sa Tagaytay Pa - Part 1


“All that I am, all that I have, I lay them down before You, o Lord”.

Ito ang mga huling linya ng kantang narinig ko bago ako lumabas ng bulwagan ng Angels Hills sa Tagaytay. Noong sandaling iyon, hindi ko maintindihan kung bakit sabay mabigat at magaan ang aking dibdib at parang wala akong magawa kung hindi umiyak na lamang. Dahil ayokong isipin ng mga kasama ko na nababaliw ako, pinili kong iwanan ang sesyon noong Linggo ng umagang iyon upang itago ang luhang nagtataglay ng mga bagay na hindi ko maintindihan at hindi ko mabata.

Habang nasa labas, nadama ko ang halong init ng araw at lamig ng hangin. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, tila alam ko na hindi ako nag-iisa. Gusto kong magtanong ngunit hindi ko alam ang tatanungin. Hindi ko alam kung saan ako babaling sapagka't hindi ko rin naman alam kung sino ang kakausapin. Hindi ko rin alam kung paano ako makikitungo sa hindi ko nakikita. Nanghina ako habang patuloy na tumutulo ang aking luha.

Hindi nagtagal, lumabas si Angelie mula sa bulwagan. Isang Linggo pa lamang ang nakakalipas simula noong anyayahan niya ako sa Singles Encounter Weekend na iyon. Pagkakita ko sa kanya, biglang bumalik sa akin kung paano nag-umpisa ang lahat.

"Ano?! Ako papapuntahin mo sa retreat? Alam mo, hindi ako relihiyosong tao at ayoko sa mga Praise the Lord – Praise the Lord na samahan. Isa pa, bukod sa dami ng gawain natin dito sa opisina, marami rin akong tanggap sa talyer."

"Okey lang yan" wika niya, "Marami naman kayong singles doon na maraming ginagawa at bago rin sa ganitong gawain."

"Singles? Ibig sabihin may mga babaeng single doon?"

"OO naman!" ang kanyang simpleng sagot.

Napangiti ako sa aking narinig at nagkunwaring nag-iisip. Ilang sandali pa at pumayag na rin akong sumama.

Thursday, November 17, 2005

Nothing is More Practical

Wednesday, November 16, 2005

Do You Want to be a Jesuit?